Bagong toll rates sa Cavitex, ipapatupad na sa May 22
MANILA, Philippines — Matapos ipagpaliban ng sampung araw, tuloy na sa Mayo 22, 2022 (Linggo), ang pagpapatupad ng bagong toll rates para sa CAVITEX R-1 segment.
Matatandaang inanunsyo ng Cavitex Infrastructure (CIC) at ng joint venture partner nito na Philippine Reclamation Authority (PRA), sa pakikipagtulungan ng Toll Regulatory Board (TRB), ang bagong toll rates para sa CAVITEX R-1 segment o Parañaque Toll Plaza ay dapat ipatutupad noong Mayo 12, 2022.
Nagpasiyang ipagpaliban ito upang magbigay ng mas maraming oras para sa pagpaparehistro ng mga PUV driver at operator sa toll reprieve program na nagpapahintulot sa kanila na patuloy na matamasa ang lumang toll rates na P25.00 para sa Class 1, P50.00 para sa Class 2 sa pamamagitan ng rebate program.
Ang toll reprieve program ay sistema sa pamamagitan ng RFID, kaya lahat ng PUVs operators at drivers ay kailangang i-enroll ang kanilang account sa programa sa pakikipag-ugnayan sa kanilang iba’t ibang transport organizations. Ang programa ay tatakbo sa loob ng 90 araw simula sa “Day 1” ng pagpapatupad ng bagong toll rates.
Ang bagong rate simula sa Mayo 22, sa mga motoristang bumibiyahe sa CAVITEX R-1 segment (Cavitex Longos Bacoor hanggang MIA Exit v.v.) P33.00 para sa Class 1 vehicles, P67.00 para sa Class 2, at P100.00 para sa Class 3.
- Latest