‘No permit, no rally’ mahigpit na ipapatupad sa Maynila
MANILA, Philippines — Matapos ang halalan, magpapatupad na si Manila City Mayor Isko Moreno ng mahigpit na polisiya na ‘no permit, no rally’ sa siyudad makaraan ang demonstrasyon ng mga militante sa ilang parte nito noong Martes.
Isang memorandum ang inilabas ni Moreno na nag-aatas sa Manila Police District (MPD) at mga sangay nito, mga opisyal ng barangay at Bureau of Permits, ukol sa mahigpit na pagpapatupad ng Batas Pambansa 880 o ang The Public Assembly Act.
Sinabi ng alkalde na dahil tapos na ang kampanya at halalan, kailangang bumalik na sa normal ang pamumuhay ng lahat.
Matatandaan na noong kampanya para sa May 9 National at Local Elections, pinaluwag ni Moreno ang pagsasagawa ng mga ‘campaign rallies’ sa siyudad, maging sa kaniyang mga katunggali sa eleksyon.
“Tapos na ang kampanya, tapos na ang halalan, nagdesisyon na ang tao. Now, we have to put things in right order. For the purposes of moving on at kayo ay maibalik na sa normal, ‘yung normal na pamumuhay, kailangan na pong ilagay natin sa tamang perspektibo ang mga bagay bagay,” saad ni Moreno.
Bago makapagsagawa ng mga pagtitipon, kailangan munang kumuha ng permit sa Bureau of Permits at sa Manila Barangay Bureau ang mga grupong magkakasa nito.
Matatandaan na nitong Martes, dumagsa sa harapan ng punong-tanggapan ng Commission on Elections sa Intramuros ang daan-daang mga demonstrador na nananawagan sa maayos na pagbibilang ng boto. Ilan din sa mga demonstrador ang nakita sa bisinidad ng Bonifacio Shrine.
- Latest