Mga waging mayor, vice-mayor sa Southern Metro
MANILA, Philippines — Naiproklama na rin kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nagwagi sa lokal na halalan sa southern metro.
Sa Makati City, muling nakakuha ng bagong mandato ang tambalang Abby Binay, alkalde at Monique Lagdameo, bise-alkalde, makaraang iproklama na sila dakong alas-6 ng umaga.
Nakakuha si Binay ng kabuuang boto na 317,290 laban sa 15,565 boto ng pinakamalapit na katunggali na si Joel Hernandez.
Si Ruffy Biazon naman ang bagong halal na alkalde ng Muntinlupa City makaraang iprokalama na rin ng Comelec. Muli namang nahalal si incumbent Vice Mayor Artemio Simudac.
Sa Las Piñas City, uupo sa kaniyang ikatlong termino si re-electionist Mayor Imelda Aguilar. Ang anak ng alkalde na si April Aguilar naman ang iprinoklama na bise-alkalde.
Alas-2 ng madaling araw nang iproklama namang nagwaging alkalde ng bayan ng Pateros si Mayor Miguel Ponce na nasa kaniyang huling termino na at kaniyang bise-alkalde naman na si Carlos Santos.
Sa ginanap na proklamasyon dakong alas-3 ng hapon, muli ring uupo bilang alkalde ng Pasay City si incumbent Mayor Emi Calixto-Rubiano at si Boyet Del Rosario naman ang iprinoklamang bise-alkalde habang si Tony Calixto ang muling nagwagi na congressman ng nag-iisang distrito ng siyudad.
- Latest