MANILA, Philippines — Naapektuhan ang botohan sa isang ‘polling precinct’ sa Aurora Elementary School sa San Andres, Maynila nang sandaling sumiklab ang isang apoy dulot ng electrical wiring.
Sa inisyal na ulat ng Manila Fire Department, dakong alas-8:52 ng umaga nang mag-umpisa ang apoy at nagawa rin namang agad na maapula ng mga bumbero dakong alas-9:04 ng umaga.
Naantala ang pagboto sa presinto nang magtakbuhan ang mga taong nakapila.
Kinailangan din na ilabas sa gusali ang mga ‘vote counting machines (VCMS)’ para mailigtas sa sunog.
Sa inisyal na imbestigasyon, faulty wiring ng isang ceiling fan na nasa Room 234 ang dahilan ng apoy.
Naibalik naman ang botohan dakong alas-11 ng umaga sa auditorium ng paaralan.