Magsisiuwi ngayong halalan
MANILA, Philippines — Dumagsa na kahapon ang mga pasahero sa mga bus terminal sa Quezon City na may ruta na papuntang Norte at Southern Tagalog na uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong halalan.
Nagmistulang parang Pasko ang dami ng pasahero sa mga terminal kahapon, ilang araw bago ang halalan.
Ayon naman sa Lucena Lines Inc na may biyaheng Quezon province, sapat naman ang kanilang mga unit para punan ang lumaking demand ng mga pasahero na mag-uuwian ngayong weekend para sa halalan.
Patuloy ding ipinaiiral ang health protocols sa loob ng mga sasakyan tulad ng pagsusuot ng face mask.
Nagbabala naman ang Land Transportation Office (LTO) sa mga colorum vehicles na magsasamantala na magsakay ng mga pasahero na pupunta sa mga lalawigan at papasok ng Metro Manila at maniningil nang mahal.
Ayon sa LTO, iimpound ang sasakyan ng mga ito, bukod sa kaukulang penalty ang kanilang kakaharapin.
Nagpakalat na rin ng tauhan ang LTO sa iba’tibang lugar sa Metro Manila para alalayan ang mga sasakyan na magsisipagbihaye.
Hinikayat din ng LTO ang mga bus companies na tiyakin munang road worthy ang mga sasakyan bago umarangkada sa pamamasada ang kanilang sasakyan para sa ligtas na paghahatid ng mga pasahero sa kanilang destinasyon.