MANILA, Philippines — Magiging istrikto ang mga personnel ng Department of Education (DepEd) sa pagpapairal ng minimum public health standards (MPHS) sa mismong araw ng halalan sa bansa sa Lunes, Mayo 9.
Ito ang tiniyak kahapon ni DepEd Director Marc Bragado, kasabay ang pagtiyak na handang-handa na ang kagawaran at kanilang mga guro sa paggampan sa kanilang tungkulin sa eleksiyon.
Ayon kay Bragado, magiging mahigpit sila sa pagpapatupad ng social distancing kaya’t tiyak na magiging mahaba ang pila sa araw ng eleksiyon.
“Magiging strict tayo sa pagkaroon ng social distancing. Ang mga pila ay talagang mahahaba,” ani Bragado sa panayam sa radyo.
Sinabi niya na isang DepEd Supervisor Official (DESO) ang nakatalaga sa polling center at mayroon itong dalawang support staff, kabilang ang isang safety protocol staff na siyang titiyak na maayos ang pila, naipatutupad ang social distancing, at siyang nagpapaalala sa mga botante na iwasan ang pag-uusap sa loob at labas ng polling center, at isang technical support staff na siya namang mag-aasikaso sakaling dumanas ng anumang aberya ang mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin sa eleksiyon.
Pagtiyak pa ni Bragado, limitado rin ang bilang ng mga taong papayagang pumila sa loob ng isolation polling place (IPP) sa lima lamang.
Matatandaang una nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na maglalagay sila ng mga IPPs para sa mga botante na kakikitaan ng mga sintomas ng COVID-19, bilang bahagi nang ipinaiiral na precautionary measures sa halalan.
Aniya pa, kailangan ring ang lahat ng gurong magsisilbi sa araw ng halalan ay fully vaccinated laban sa COVID-19 at hindi pa senior citizen.
Sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua kamakalawa na nasa 647,812 Education personnel ang magsisilbi bilang poll workers sa araw ng halalan. Ito ay 90% ng kabuuang 756,083 na poll workers na naka-duty sa eleksiyon.