MANILA, Philippines — Simula sa buwan ng Hunyo ngayong taon ay tataas na sa 4 percent ang kontribusyon na kakaltasin sa mga miyembro ng PhilHealth mula sa kasalukuyang 3 percent.
Ayon sa PhilHealth, ang mga miyembro na kumikita ng P10,000 hanggang P80,000 kada buwan ang tatamaan ng naturang taas ng kontribusyon.
Nilinaw ng PhilHealth na ang hakbang ay batay sa umiiral na Universal Health Care Law.
Ayon sa PhilHealth, dapat ay noong Enero pa ngayong taon tumaas sa 3.5 percent ang PhilHealth premium mula sa kasalukuyang 3 percent pero dahil sa inaayos pa ng ahensiya ang kanilang IT system ngayong Hunyo na lamang sisimulan ang pagtataas ng premium contributions.
Nilinaw ng PhilHealth na hindi agad nila naayos ang sistema dahil sa pandemya.
Target ng PhilHealth na makalikom ng P180 bilyon mula sa kontribusyon ngayong 2022.