MANILA, Philippines — Para mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa matapos ang pandemya, sinabi ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero na dapat na pag-aralan ng pamahalaan ang pagbibigay ng mahaba-habang panahon sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pagbabayad ng mga buwis.
Sinabi ni Escudero, na kumakandidato para sa bagong termino sa Senado, na dapat magpasa ang Kongreso ng isang batas upang mabigyan ng direktang tulong ang MSMEs, tulad ng ginagawa sa ibang bansa, at upang magkaroon ang mga ito ng tax payment term na hanggang limang taon.
“Para makabangon tayo mula sa pandemiya, dapat magpasa ang susunod na Kongreso ng batas na tutulong sa MSMEs. Sa papaanong paraan? Halimbawa, bigyan ng direktang ayuda katulad ng ginawa ng ibang bansa para may pang-suweldo sila ng 6 hanggang 12 buwan. Kapag may suweldo ang empleyado, iikot ang ekonomiya sa kanilang lugar,” aniya.
Dapat din umano na bigyan ang mga ito ng palugit kaugnay sa pagbabayad ng buwis na maaaring tatlo hanggang limang taon, puwedeng hulug-hulugan ang pagbabayad ng buwis
Ang MSMEs ang bumubuo ng 957,620 negosyo na nag-o-operate noong 2020, ayon sa Philippine Statistics Authority. Sa numerong ito, 952,969 ang MSMEs habang 4,651 lang ang malalaking negosyo.
Nasa 88.77% ng MSMEs ay micro enterprises.
Noong 2021, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na ibinababa ang income tax ng MSMEs sa bansa sa 20% mula 30% kung hindi lalampas nang P5 milyon ang taxable income ng mga ito at kung hindi sosobra sa P100 milyon ang lahat ng assets ng mga ito.