MANILA, Philippines — Arestado sa isinagawang entrapment operation ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagpanggap na law enforcer ng Land Transportation Office (LTO) na nangikil at nagbanta pa sa biniktimang babaeng negosyante, sa Pasig City, Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat na ipinarating sa MMDA, inaresto ang suspek na si MMDA traffic aide Jomar Palata, 40, nakatalaga sa MMDA-Office of the Assistant General Manager for Operations sa ikinasang bitag ng Highway Patrol Group – Special Operations Division
Sa report, nagbanta si Palata na huhulihin ang lahat ng commuter van na pag-aari ng babaeng operator kung hindi magbibigay ng P100,000.
Pahayag ni MMDA Chairman Romando Artes, hindi kinukunsinti ng MMDA ang mga maling gawain ng mga tauhan.
Kasabay nito, hinimok ni Artes ang iba pang mga nabiktima ng sinuman sa mga tauhan ng MMDA sa pangingikil at panghihingi ng payola na ireport agad sa kanilang tanggapan.
Nahaharap sa reklamong robbery extortion, grave coercion, at usurpation of authority si Palata.