MANILA, Philippines — Nagpalabas ng babala ang Department of Health (DOH) sa mga residente ng Metro Manila ng ibayong pag-iingat makaraang makitaaan ng pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa nakalipas na linggo.
Inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na kabilang ang Pateros sa nakitaan nila ng positive growth rate habang nasa full capacity naman ang intensive care unit (ICU) ng siyudad ng Malabon.
Maging ang Navotas, na mayroon lang 46 kama sa COVID wards ay nakitaan din nang pagtaas ng mga bagong kaso.
Paglilinaw naman ni Vergeire na bagamat hindi pa nakakaalarma ang pagtaas ng mga bagong impeksyon pero masusi na nila itong binabantayan.
“Binabantayan po naming maigi. Sa tingin po namin, hindi pa naman ito significant because ‘yung mga na-a-admit din is really going there not because of COVID but because they have other illnesses tapos ‘pag tinest, nagko-COVID-positive sila,” paliwanag pa niya.
Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III noong nakaraang linggo na may 14 na lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 ang nakitaan nang pagtaas ng COVID-19 cases.
Sinabi naman ni Vergeire na ilan sa posibleng dahilan nito ay ang nabawasang pagtalima sa minimum public health standards, pagdagsa ng mga tao sa election campaign sorties, at maging ang mga nakalipas na pagtitipon noong nakalipas na Mahal na Araw.