MANILA, Philippines — Hindi maaapektuhan ng posibleng pagpapalit ng liderato sa Philippine National Police (PNP) sa Mayo 8 ang halalan sa Mayo 9.
Ito naman ang tiniyak ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo kung saan nakatakdang magretiro si PNP chief Gen. Dionardo Carlos sa Mayo 8.
Ayon kay Fajardo, walang dapat na alalahanin ang publiko dahil handa ang PNP na tumugon sa mga alalahanin sa seguridad sa panahon ng halalan.
Nang tanungin kung sino ang papalit kay Carlos, sinabi ni Fajardo na hinihintay pa nila ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagtatalaga ng posibleng bagong pinuno ng PNP.
Nobyembre 12, umupong PNP chief si Carlos. Siya ang ikapitong hepe ng PNP sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Carlos na tututukan ng kanyang pamunuan ang pagtiyak sa maayos at mapayapang pagsasagawa ng pambansa at lokal na halalan sa Mayo 9.
Samantala, sinabi ni Fajardo na ang karagdagang tauhan ng pulisya—kabilang ang mga reactionary standard support forces (RSSFs) mula sa PNP national at regional headquarters, gayundin ang humigit-kumulang 16,000 pulis na nasa ilalim ng pagsasanay ay inaasahang ipapakalat sa mga election areas of concern sa susunod na linggo.