MANILA, Philippines — Sugatan ang isang bagitong pulis nang saksakin sa likuran ng isang security guard habang ang una ay nagpapatrulya sa tapat ng isang simbahan sa Pandacan, Maynila kamakailan.
Ginagamot ngayon dahil sa saksak sa likod sa Sta. Ana Hospital si Patrolman Jayson Cuarteros, nakatalaga sa Manila Police District-Beata Police Community Precinct.
Isinugod din naman dito ang suspek na si Ernesto Delorino, makaraang mabaril ni Cuarteros.
Sa ulat ng Pandacan Police Station 10, naganap ang insidente nitong alas-11 ng gabi sa tapat ng Sto. Niño De Pandacan Church.
Nagpapatrulya umano ang nasabing pulis nang atakihin ng saksak mula sa likuran ni Delorino pero nagawang makaganti ng putok ng baril si Cuarteros.
Lumitaw sa pagsisiyasat na paghihiganti ang isa sa motibo nang pananaksak, dahil sa umano’y napatay ni Cuarteros ang anak ni Delorino sa isang operasyon.
Nabawi sa crime scene ang nasa siyam na pulgadang haba ng kutsilyo na ginamit ng suspek.