MANILA, Philippines — Balik na sa normal na operasyon kahapon ang tatlong rail lines sa Metro Manila, na kinabibilangan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), gayundin ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos ang ipinairal nilang maintenance shutdown nitong Holy Week.
Sa paabiso ng LRT-1, sinabi nito na ang unang biyahe ng kanilang mga tren mula Baclaran sa Parañaque at Balintawak sa Quezon City ay aalis ng istasyon ganap na alas-4:30 ng madaling araw.
Ang huling biyahe naman mula sa Baclaran ay aalis ng alas-9:15 ng gabi habang ang last trip mula sa Balintawak ay ganap na alas-9:30 ng gabi.
Ayon naman sa LRT-2, balik na rin sa normal ang kanilang mga biyahe simula nitong Lunes.
Ipinagmalaki pa nito na simula kahapon ay magiging 52 na ang escalators at 31 ang elevators ng kanilang mga istasyon na naging operational na rin.
Siniguro rin ng LRT-2 na patuloy ang ginagawa nilang mga pagkukumpuni sa mga natitira pang sirang elevator habang ang ibang escalators ay sumasailalim sa testing at commissioning.
“Bumabiyahe na muli ang mga tren ng MRT-3 simula ngayong araw, ika-18 ng Abril 2022, matapos ang isinagawang Holy Week Maintenance shutdown kung saan ay nagsagawa ng pagkukumpuni at pagmimintina ng mga equipment at subsystem ng linya,” paabiso naman ng MRT-3.
Tiniyak din nito na patuloy rin ang pamamahagi ng pamunuan ng rail line ng libreng sakay para sa mga pasahero hanggang sa Abril 30, 2022.
Ipinagmalaki rin ng MRT-3 na umakyat na rin sa tatlo ang bilang ng mga 4-car CKD train sets na kasalukuyang tumatakbo sa kanilang linya simula kahapon.