Programa sa maliliit na negosyo, ilulunsad ng LPGMA
MANILA, Philippines — Bilang suporta sa LPG Law, magbibigay ng puhunan ang LPGMA Party-list sa mga maliliit na negosyo sa bansa na nagnanais pumasok sa LPG industry.
“Masasabi nating bahagi ito ng mga programa ng gobyernong tapat, kung saan aangat lahat,” ani LPGMA Party-list Rep. Allan Ty. “Tulong na natin ito sa mga nagnanais magsimula ng kanilang mga negosyo at kumikitang kabuhayan.”
Ang LPGMA Party-list sa pangunguna ni Rep. Allan Ty ang nagsulong ng LPG law sa Kamara. Ang RA 11592 o ang LPG Industry Regulation Act ay naging ganap na batas matapos itong pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Sa bisa ng RA 11592, may karampatang parusa sa mga lalabag sa standards na nakasaad sa batas, gaya ng kulang sa tamang timbang, pamemeke ng selyo, pagbenta ng LPG na may halong ibang kemikal, at iba pa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, 8 million na pamilya sa bansa ay gumagamit ng LPG sa kanilang tahanan. Ito ay katumbas ng 40 pursiyento ng mga Pilipino na gumagamit ng LPG kada araw.
Ang programang inilunsad ng LPGMA ay naglalayong suportahan ang mga dealers at franchisees para sa kanilang kapital sa pagnenegosyo. Umaasa si Ty na sa pagpasok ng mga bagong negosyo sa LPG industry, unti-unti nang mawawala ang mga mapanamantala at gumagawa ng mga ilegal na mga negosyante.
- Latest