^

Metro

Paggamit sa karapatang bumoto, ‘wag sayangin - Escudero

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Sa pagtutuon ng pansin sa mga botante imbes na sa mga kandidato isang buwan bago ang halalan sa Mayo 9, sinabi ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero na ang pagsali sa proseso ng halalan at paggamit sa karapatan sa pagboto ang pinakamalaking akto ng kabayanihan na magagawa ng mga Pilipino ngayong taon.

Ayon sa senatorial candidate, sa gitna ng ingay ng kampanyahan, dapat pumili ang mga mamamayan ng mga pinuno na isusulong ang mga interes ng bansa bago ang kanilang sarili, magtatraho nang may integridad, at pagli­lingkuran ang mga sektor na matagal nang napababayaan ng pamahalalan tulad ng mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante.

Ayon pa sa kanya sa araw lamang ng eleksyon nagkakapantay-pantay ang lahat, mahirap man o mayaman o anuman ang estado sa buhay.

“Huwag natin sayangin ‘yung pagkakataon na ‘yun. Pumili at piliin kung sino talaga ang nararapat at karapat-dapat. At hindi natin trabaho husgahan ang ating kapwa dahil iba lamang ang pananaw niya,” aniya.

Binigyang-diin ng beteranong mambabatas na ang presidential campaign ngayon taon ang siyang pinakamainit sa buong kasaysayan ng halalan sa bansa na nag­reresulta sa pagkakahati-hati ng magkakapamilya at magkakaibigan dahil sa masigasig nilang pagsuporta sa mga napupusuan nilang kandidato. Pinaalalahanan niya ang mga botante na magkakaibigan ang karamihan ng mga kandidato kapag wala sila sa entablado ng kampanyahan.

Sa pagdiriwang ng mga Pilipino sa Araw ng Kagitingan eksaktong isang buwan bago ang halalan, muling ipinaalala ni Escudero na obligasyon ng mga pinuno na pagsilbihan ang lahat ng Pilipino at hindi lang ang kanilang mga tagasuporta.

Nasa 65.7 milyon ang mga rehistradong botante sa halalan ngayong 2022 na mas mataas ng 3.9 milyon kumpara sa 2019 midterm elections. Karagdagan pa rito ang 1.6 mil­yong rehistradong overseas Filipino voters.

2022 ELECTION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with