MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang motorcycle rider nang aksidenteng madiskubre mula sa compartment ng kaniyang sasakyan ang isang baril matapos na masita dahil sa hindi pagsusuot ng helmet, sa Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.
Nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009), RA 4136 (Driving without License & unregistered vehicle) at RA 10591, kaugnay sa Omnibus Election Code (Comprehensive law on Firearms and Ammunitions) ang suspek na si Alex Rivera, 38.
Sa ulat ni P/SSg Ferdinand Leyva ng Manila District Traffic Enforcement Unit, dakong alas-9:00 ng umaga kahapon ng mamataan sa 25th Street corner A. Bonifacio Road, Port Area ng nagmamandong mga traffic enforcer si Rivera na walang suot na helmet kaya siya pinara at hinanapan ng driver’s license at OR/CR.
Nang buksan ang compartment ay nakita ang baril na kalibre .38 na may serial no. 1126372 at kargado ng 3 bala. Wala rin siya maipakitang anumang dokumento hinggil sa pagkakaroon ng baril kaya siya tuluyang inaresto.