Nahagip ng spending ban ng Comelec
MANILA, Philippines — Dahil sa umiiral na ‘spending ban’ ng Commission on Elections (Comelec) mula Marso 25 hanggang Mayo 8, itinigil muna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamimigay ng fuel subsidy para sa mga driver at operator ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa partikular sa Metro Manila.
Sinabi ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion, bago pa ang ban ay nagsampa ang ahensiya ng aplikasyon sa Comelec para sa exemption pero hanggang ngayon ay wala pang sagot sa kanilang kahilingan ang komisyon kaya tigil muna sila sa pamamahagi ng ayuda.
Sa ilalim ng Comelec’s Resolution No. 10747, kailangan ng certificate of exemption para maipatupad ang mga aktibidad at programa sa mga proyekto at serbisyo ng social welfare sa gitna ng pagbabawal na ito.
Anya habang hinihintay ang desisyon ng poll body hinggil dito ay tuluy-tuloy naman ang paggawa ng may 86,000 Pantawid Pasada Program (PPP) cards para sa pagkakaloob ng ibang benepisyo sa mga PUVs.
Una rito, nagkaloob na ang LTFRB ng fuel subsidy sa may 110,200 PUVs .
Ang P6,500 fuel subsidy na kaloob ng pamahalaan sa pamamagitan ng LTFRB sa bawat driver at operator ng pampasaherong sasakyan ay bilang tulong na maibsan ang epekto sa kanilang hanapbuhay dulot ng mataas na halaga ng petroleum products.
Target ng LTFRB na mabigyan ng fuel subsidy ang may 377,000 qualified PUV drivers at operators nationwide.