MANILA, Philippines — Kabilang si Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador para sa mga Tomasino sa pambansang halalan sa susunod na buwan, ayon sa isang survey na ginawa ng Varsitarian, ang opisyal na pahayagan ng University of Sto. Tomas.
Base sa university-wide survey na isinagawa mula Pebrero 20 hanggang Marso 20, si Escudero ay pinili ng 65.1% ng 4,401 respondents galing sa iba’t ibang faculty, kolehiyo, at instituto ng UST na pinakamatandang unibersidad sa Pilipinas at Asya.
Ayon sa website nito, isinagawa ng Varsitarian ang survey sa pamamagitan ng Google Forms at gumamit ito ng isang randomized cluster sampling method kung saan ang mga estudyante ay random na pinili sang-ayon sa sample size para bawat faculty, kolehiyo o instituto. Mayroon itong ±1.7% margin of error at 98.3% confidence level. Sinabi ng pahayagan na 68% ng respondents ay boboto sa darating na halalan sa kauna-unang pagkakataon. Ang first-year students na sumali sa survey ay binubuo ng 22.3% ng kabuuang bilang ng respondents habang 23.2% naman sa sophomores, 24.5% sa juniors, 21.5% sa seniors, 1.1% sa fifth-year students, at 7.4% sa postgraduates. Ang survey ay sinalihan ng 18 faculties, kolehiyo, at instituto.
Si Escudero, na kumakandidato para sa isang bagong anim na taong termino sa Senado, ay palaging nangunguna para sa mga respondent ng mga survey at mock election na isinasagawa ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Number 1 choice rin si Escudero sa pagkasenador para sa respondents sa survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na kinabibilangan ng 1,525 paaralan.
Nakakuha rin ito ng 59.46% ng kabuuang bilang ng respondents sa isinagawang survey sa Philippine Normal University-Mindanao Campus.
Sa “Likha Pahinarya: Mock Elections Survey 2022,” na isinagawa mula Marso 12-25 at inorganisa ng Likha Pahinarya, ang opisyal na pahayagan ng College of Allied Health Sciences ng Cagayan State University sa Tuguegarao City, napabilang si Escudero sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador nang sabihin ng halos 60% respondents ng online survey na siya’y iboboto nila.