Balik-ruta ng provincial buses ginhawa sa mga pasahero
MANILA, Philippines — Pinapurihan ng PASAHERO Partylist ang naging hakbang ng gobyerno na ibalik sa normal na operasyon ang mga provincial bus sa EDSA na halos dalawang taon ding nagpahirap sa mga mananakay sa Kalakhang Maynila.
“Malaking kaginhawahan ito sa ating mga kababayan. Dalawang taon ding nagdanas ng matinding pahirap ang atin mga kababayang bumibiyahe papasok at palabas ng Metro Manila dahil nga sa kawalan ng mga bus sa EDSA, kaugnay ng mga ipinatutupad na guidelines ngayong pandemya,” ayon kay PASAHERO founder Robert Nazal.
Reaksyon ito ni Nazal matapos ipahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpapatupad sila ng dalawang linggong dry run na magbabalik sa ruta ng mga provincial bus sa EDSA na nagsimula nitong Marso 24 mula ng alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Ayon pa kay Nazal, napakahalagang maibalik sa normal ang biyahe ng provincial buses sa EDSA dahil malaking tulong ito sa mga mahihirap na pasahero na wala namang sariling sasakyan.
Ayon naman kay PASAHERO co-founder Allan Yap, dahil naibalik na ang provincial buses sa EDSA, napakaraming mananakay ang tiyak na makikinabang, lalo pa’t unti-unti nang nagbubukas ang ekonomiya at nasa Lenten rush ang bansa.
Layon ng PASAHERO o ang Passengers and Riders Organization Inc., na maikatawan sa Kongreso ang mga pasahero ng iba’t ibang transportasyon tulad ng mga sasakyang pandagat, panghimpapawid at panlupa. Gayundin ang mga tricycle drivers and operators sa buong bansa na anila’y talagang hinagupit nang husto ng pandemya.
- Latest