Good governance at genuine service, ipagpapatuloy ni Mayor Joy
MANILA, Philippines — Ipinangako ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kanyang ipagpapatuloy ang pagsusulong ng good governance at genuine service kasabay sa unang araw ng pagsisimula ng kanyang pangangampanya kahapon sa lungsod.
“Ang kailangan ng ating lungsod ay lider na titiyaking hindi maibubulsa ang kabang bayan. Hindi corrupt. Ang pera ng taumbayan ay dapat ibinabalik sa taumbayan sa pamamagitan ng tapat na serbisyo,” pahayag ni Belmonte sa kanyang talumpati sa grand rally sa Quezon Memorial Circle.
“Ang kailangan nating lider ay tapat sa tungkulin, matino, may talino, may pagmamalasakit at dedikasyon sa trabaho. Higit sa lahat ang kailangan nating lider hindi makasarili, hindi ganid, ang iniisip ay ang kapakanan lamang ng taumbayan, bago sarili,” dagdag pa ni Belmonte.
Sinabi rin ni Belmonte ang kanyang mga nagawa sa unang termino bilang Alkalde ng QC.
Binanggit pa nito na naging hamon sa kanya ang pandemya sa COVID-19.
“Hindi tayo nagpatinag. Aaminin ko, noong umpisa ng pandemya ay nangapa tayo, dahil sino ba ang nakapaghanda sa isang problemang ganyang katindi,” pahayag ni Belmonte.Dahil sa maayos at transparent na pamamahala, ginawaran ang Quezon City government ng pagkilala ng Commission on Audit (COA) na naging kauna-unahan sa kasaysayan para sa annual audit report para sa taong 2020.
“Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ating lungsod, kinilala ng COA na malinis, at walang bahid ng katiwalian sa Quezon City Hall. Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ng COA na katiwa-tiwala ang pamahalang Lungsod Quezon.
Ang mga negosyante, bumalik ang tiwala at kumpiyansa!! Kahit may pandemya at maraming negosyo ang nagsara, tumaas pa ang ating nakolektang buwis,” dagdag ni Belmonte.
Tinukoy dito ni Belmonte ang P22 bilyong buwis na nakolekta ng kanyang administrasyon noong 2020.
- Latest