MANILA, Philippines — Suportado ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang panukala ni Vice Pres. Leni Robredo na pondohan ng P100 bilyon ang isang stimulus package para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na nakapag-aambag ng 40% sa gross domestic product (GDP) ng bansa.
Para kay Escudero na isang beteranong mambabatas na kumakandidato para sa Senado ngayong Halalan 2022, ang panukala ni Robredo ay maituturing na isang “economist’s roadmap” para sa pagbangon mula sa pandemya ng MSMEs na isang sektor na nag-eempleyo ng nasa 63% ng lakas-paggawa ng Pilipinas.
“Tama ‘yung prescription ni Vice President,” ani Escudero. “‘Yan ang kailangan ng maliit na mga negosyo at mga pagawaan.”
Aabot ng hanggang 99.5% ang MSMEs sa tinatayang isang milyong establisimento, base na rin sa datos ng United Nations Development Programme. “There can be no national recovery without MSME revival,” ani Escudero.
“Ang mga nasabing kumpanya ay nag-eempleyo ng dalawa sa bawat tatlong manggagawa, bale 63 percent ng ating labor force. Nasa 40 percent naman ng ating GDP ang kanilang ambag o nasa P8 trillion ito. They are not a sub-sector of the economy, they are the economy,” dagdag niya.
Sinabi niya na kayang-kaya naman ng pamahalaan at isang masinop na paggamit ng pondo ang ipinanunukala ni Robredo na P100-billion aid package.
“The P100 billion is equivalent to what the government will borrow in 15 days this year,” ani Escudero.
Sinabi ni Escudero, na naglingkod nang dalawang buong termino bago naging gobernador ng Sorsogon noong 2019, ang nasabing stimulus package ay isa lamang sa mga sangkap sa kung papaano maiaahon ang MSMEs mula sa matinding epekto ng pandemya.