Rider na walang helmet, timbog sa sumpak

MANILA, Philippines — Isang rider na walang suot na helmet ang inaresto matapos na mahulihan ng improvised shotgun o sumpak na walang kaukulang dokumento sa isang checkpoint sa Quezon City sa Brgy. Bali­ngasa, Quezon City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat, kinilala ang suspek na si Johnver Santos, 24, ng  Bagong Barrio, Caloocan City.

Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-12:10 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa isang ‘Oplan Sita’ na ikinasa ng mga tauhan ng PS 1 sa harap ng Puregold Extra sa panulukan ng A. Bonifacio Ave. at Ba­lingasa Rd., Brgy. Balingasa.

Dumaan umano sa lugar ang suspek, sakay ng kanyang motorsiklo na walang plaka, at wala ring suot na helmet, kaya’t pinara at sinita siya ng mga pulis.

Nabigo rin umanong magpakita ng lisensiya at mga dokumento ang suspek at nang kapkapan ng mga pulis ay nahulihan pa ng sumpak na may bala, kaya’t kaagad na itong inaresto.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Law on Firearms and Ammunition na may kaugnayan sa Omnibus Election Code (gun ban).

“Mas lalo pa nating paiigtingin ang ating police ­operations upang mas masi­guro natin ang ligtas, mapayapa at maayos na araw ng halalan sa darating na Mayo ngayong taon,” pagtiyak naman ni Medina.

“Hinihimok ko ang publiko na makiisa sa ating kampanya laban sa kriminalidad lalo na ngayong panahon ng eleksyon, sapagkat hindi makakalusot sa kamay ng ­ating kapulisan ang mga nagnanais lumabag sa ating batas,” ayon naman kay MGen Felipe Natividad,  director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Show comments