Mga dyip ‘di muna papasada

Ayon kay 1-UTAK chair Atty. Vigor Mendoza II, posibleng makita ang pagbaba ng bilang ng mga PUJ units sa iba’t ibang ruta sa buong bansa sa Martes o Miyerkules ngayong may ilang grupo na ang nagbabalak na tumigil muna sa pamamasada.
STAR / File

Wala nang kikitain sa P12 taas sa diesel

MANILA, Philippines — Asahan nang mababawasan ang bilang ng mga PUJs na bibiyahe sa iba’t ibang ruta sa buong bansa sa susunod na linggo dahil naghahanap na anila ngayon ang mga tsuper ng mga alternati­bong pamamaraan upang makatulong sa pagtitipid ng pera at krudo.

Ayon kay 1-UTAK chair Atty. Vigor Mendoza II, posibleng makita ang pagbaba ng bilang ng mga PUJ units sa iba’t ibang ruta sa buong bansa sa Martes o Miyerkules ngayong may ilang grupo na ang nagbabalak na tumigil muna sa pamamasada.

Paglilinaw naman ni Mendoza, ito’y hindi pagpuprotesta kundi ayaw na lamang aniya ng mga driver na bumiyahe kung hindi rin naman sila kikita

“Talagang meron na hong hihinto. Hindi naman sa nagpo-protesta sila o ano pero talagang hindi na talaga kikita eh. Sa ?12 [kada litro ng diesel price increase] na ‘to, wala na hong iuuwi ang ating mga drayber. Sabi nga ng mga operator, kung ganyan lang ang kita, bakit pa namin ilalabas? Baka pa maaksidente. Tsaka ‘yung maintenance pa ng sasakyan,” aniya pa, sa hiwalay na panayam sa radyo.

Labis din na ipinagtataka ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang lingguhang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrol­yo sa bansa gayong hindi naman lingguhan ang pag-aangkat ng petrolyo.

“Bakit ginagawang lingguhan (ang pagtaas ng ­presyo) eh hindi naman tayo lingguhan nag-aangkat ng petrolyo? Ito naman ay batay sa datos, mayroon tayong 30 to 40 days na stock sa ating bansa. Pero bakit hinahayaan ng gobyerno ang ginagawa ng oil companies?” tanong ni PISTON national president Mody Floranda.

Kinumpirma rin niya na may ilang jeepney operators na ang nagbawas ng kanilang boundary ng 60% upang matulungan ang kanilang mga driver.

Inirekomenda rin niya sa mga otoridad na magpatupad ng designated stops para sa PUJs upang matulungan ang mga tsuper na makatipid ng krudo ng 5% kada linggo o 75 hanggang 100 na savings kada araw. Sinimulan na aniya nila ang trial nito sa Marikina.

Isa kasi aniya sa dahilan kung bakit umaabot ang konsumo ng krudo ng hanggang 30 litro ay dahil kung saan-saan tumitigil ang mga jeep.

Sa kabila naman ng pagtaas ng mga presyo ng krudo, ikinukonsi­dera ni Mendoza na ‘silver lining’ ang pagdami ng bilang ng mga pasahero na sasakay sa mga jeep dahil makakatulong anila ito upang makabawi sila kahit paano.

Matatandaang nakaamba na naman ang pagtaas ng presyo ng mga produktong pet­rolyo sa ika-11 sunod na linggo na sa fuel price forecast ng Unioil, ang presyo kada litro ng diesel ay maaaring sumirit pa ng ?12.20 hanggang ?12.30 habang ang gasolina ay ?6.80 at ?7.00 kada litro.

Show comments