Pagkain sa lamesa, prinayoridad sa Maynila sa gitna ng pandemya

Ang daan libong food box na inihanda ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga Manilenyo.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nang pumutok ang COVID-19 pandemic no­ong Marso 2020, apek­tado ang kabuhayan ng lahat. Ngunit pinakalub­hang naapektuhan ang mga mahihirap na lalo pang naghirap nang magpatupad na ang pamahalaan ng magkakasunod na ‘lockdown’ para maampat ang pagkalat ng COVID-19 nitong 2021.

Nakulong sa kanilang mga bahay ang mga pob­reng taga-Maynila.  Paano na ang kumakalam na sikmura na napapatid lamang kapag may kayod­ ang kanilang mga mi­yembro? Dito hindi nagpa­baya ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno sa paglulunsad ng Food Security Program (FSP) na inumpisahan noong Pebrero 2021.

Aabot sa 700,000 pa­milya ang binigyan ng food boxes ng lokal na pamahalaan upang magkaroon ng laman ang sikmura habang nakakulong sa kanilang bahay. Ngunit hindi tulad ng ibang lokal na pamahalaan na ta­nging mga mahihirap lamang ang binigyan ng ayuda, sa Maynila walang pinili, ma­ging mga bahay na bato inabutan ng pagkain.

Ngunit hindi naging maayos agad ang prog­rama, maraming reklamo sa mga barangay chairman dahil sa pamimili ng mga bibigyan at ang iba ay sinasarili ang mga food boxes. Dito nagbabala si Moreno na pananagutin ang mga opisyal ng barangay na tila labis na nagiging ganid sa ayuda.

“Nananawagan ako sa mga chairman, ayusin niyo po. Sa bawat pagna­nais, pag-aasam at pagi­ging makasarili, at nililista niyo isang pangalan, 25 na pangalan (pero mula sa) iisang pamilya --- sa bawat box na makukuha niyo, iisang pamilya naman ang mawawalan,” panawagan ng alkalde sa mga Barangay Chairman.

Magmula nito, nagpa­tuloy ang pagbibigay kada buwan ng food boxes habang nasa ‘enhanced community quarantine­ (ECQ)’ noon ang Maynila. Nang lumuwag na, patuloy ang pagbibigay ng food boxes sa mga komuni­dad na isinasailalim sa lockdown.

Hindi rin pinabayaan ni Moreno ang mga dating residente ng Maynila na na-relocate sa Cavite at Bulacan. Sa kabila na sa ibang lugar na naka­tira, pinahatiran pa rin ng alkalde ng food boxes ang mga dating residente­ makaraang hindi umano sila maasikaso ng mga lokal na lider ng lugar na kanilang nilipatan.

Binuksan ni Moreno ang mga bakunahan kahit hindi residente ng May­nila, dinala ang vaccination sa mga malls para maging kumportable ang tao, namigay ng mga anti-viral na gamot kontra Covid sa lahat ng nanga­ngailangan, at nagpa­tayo ng Covid Field Hospital para pagdalhan ng mga tinamaan ng virus maging residente ng Maynila o hindi.

Tunay na isang ha­mon sa isang lokal na lider ang pandemya dahil sa kakapusan ng pondo.  Sa kabila nito at sa tulong ng pribadong sektor, na­gawa ni Moreno ang hindi inaasahan para sa kanilang mga residente at maging sa mga taga-labas ng siyudad.

Sa inaasahang pagtungo sa ‘new normal’ ng bansa, tinatahak ngayon ni Moreno ang bagong ha­mon sa kaniyang ka­rera bilang politiko sa pag­takbo sa Presidential elections. Tulad ng ibang kandidato, may mga pa­ngako siya para sa tao.

Ngunit hindi tulad sa iba, may pruweba si Mo­reno -- ang unahin ang pagkain ng naghihikahos­ na tulad niya noon na isang batang iskwater ay kumulo rin ang tiyak dahil­ sa gutom at umasa rin sa ayuda ng pamahalaan.

Show comments