Pagkain sa lamesa, prinayoridad sa Maynila sa gitna ng pandemya
MANILA, Philippines — Nang pumutok ang COVID-19 pandemic noong Marso 2020, apektado ang kabuhayan ng lahat. Ngunit pinakalubhang naapektuhan ang mga mahihirap na lalo pang naghirap nang magpatupad na ang pamahalaan ng magkakasunod na ‘lockdown’ para maampat ang pagkalat ng COVID-19 nitong 2021.
Nakulong sa kanilang mga bahay ang mga pobreng taga-Maynila. Paano na ang kumakalam na sikmura na napapatid lamang kapag may kayod ang kanilang mga miyembro? Dito hindi nagpabaya ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno sa paglulunsad ng Food Security Program (FSP) na inumpisahan noong Pebrero 2021.
Aabot sa 700,000 pamilya ang binigyan ng food boxes ng lokal na pamahalaan upang magkaroon ng laman ang sikmura habang nakakulong sa kanilang bahay. Ngunit hindi tulad ng ibang lokal na pamahalaan na tanging mga mahihirap lamang ang binigyan ng ayuda, sa Maynila walang pinili, maging mga bahay na bato inabutan ng pagkain.
Ngunit hindi naging maayos agad ang programa, maraming reklamo sa mga barangay chairman dahil sa pamimili ng mga bibigyan at ang iba ay sinasarili ang mga food boxes. Dito nagbabala si Moreno na pananagutin ang mga opisyal ng barangay na tila labis na nagiging ganid sa ayuda.
“Nananawagan ako sa mga chairman, ayusin niyo po. Sa bawat pagnanais, pag-aasam at pagiging makasarili, at nililista niyo isang pangalan, 25 na pangalan (pero mula sa) iisang pamilya --- sa bawat box na makukuha niyo, iisang pamilya naman ang mawawalan,” panawagan ng alkalde sa mga Barangay Chairman.
Magmula nito, nagpatuloy ang pagbibigay kada buwan ng food boxes habang nasa ‘enhanced community quarantine (ECQ)’ noon ang Maynila. Nang lumuwag na, patuloy ang pagbibigay ng food boxes sa mga komunidad na isinasailalim sa lockdown.
Hindi rin pinabayaan ni Moreno ang mga dating residente ng Maynila na na-relocate sa Cavite at Bulacan. Sa kabila na sa ibang lugar na nakatira, pinahatiran pa rin ng alkalde ng food boxes ang mga dating residente makaraang hindi umano sila maasikaso ng mga lokal na lider ng lugar na kanilang nilipatan.
Binuksan ni Moreno ang mga bakunahan kahit hindi residente ng Maynila, dinala ang vaccination sa mga malls para maging kumportable ang tao, namigay ng mga anti-viral na gamot kontra Covid sa lahat ng nangangailangan, at nagpatayo ng Covid Field Hospital para pagdalhan ng mga tinamaan ng virus maging residente ng Maynila o hindi.
Tunay na isang hamon sa isang lokal na lider ang pandemya dahil sa kakapusan ng pondo. Sa kabila nito at sa tulong ng pribadong sektor, nagawa ni Moreno ang hindi inaasahan para sa kanilang mga residente at maging sa mga taga-labas ng siyudad.
Sa inaasahang pagtungo sa ‘new normal’ ng bansa, tinatahak ngayon ni Moreno ang bagong hamon sa kaniyang karera bilang politiko sa pagtakbo sa Presidential elections. Tulad ng ibang kandidato, may mga pangako siya para sa tao.
Ngunit hindi tulad sa iba, may pruweba si Moreno -- ang unahin ang pagkain ng naghihikahos na tulad niya noon na isang batang iskwater ay kumulo rin ang tiyak dahil sa gutom at umasa rin sa ayuda ng pamahalaan.
- Latest