MANILA, Philippines — Mas humigit pa sa inaasahan ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa araw na ito.
Sa ika-10 bugso nang pagtaas ay halos umabot na sa P6 ang idinagdag sa preyo ng diesel at mas mababa lang ng kaunti ang ipinatong sa gasolina at kerosene.
Ang dalawang higanteng Petron Corporation at Pilipinas Shell ay nag-anunsyo nitong Lunes na alas- 6:00 ng umaga ng Martes ay ipapataw na ang dagdag na P5.85 sa kada litro ng diesel, P3.60 sa gasolina at P4.10 sa bawat litro rin ng kerosene.
Gayundin ang oras na magsisimula ang Seaoil Philippines sa ipapataw na dagdag presyo sa kanilang mga produktong diesel, gasoline at kerosene.
Habang ang Chevron Philippines, na isa sa pangunahing kumpanya ng langis sa bansa ay mas maagang magpapatupad ng katulad na dagdag presyo sa kanilang mga produktong petrolyo alas-12:01 ng madaling araw.
Ang mga independent oil companies naman na ‘di nagbebenta ng kerosene kabilang ang PTT Philippines, Petro Gazz, Total Philippines, Phoenix Petroleum, Unioil at Jetti Oil, ay gaya rin ng presyo ang idaragdag sa presyo ng diesel at gasoline habang ang Clean Fuel ay alas- 4:01 ng hapon.
Ayon sa Pilipinas Shell kaya mas mataas ang dagdag presyo sa diesel kumpara sa gasoline dahil kasama sa pagsasaayos ang market premium at mas mataas na presyo ng coco methyl ester ng diesel
Ayon sa PTT Philippines Communication Officer Jhay Julian, ang lingguhang price adjustment ay dulot ng galawan ng presyo sa pandaigdigang merkado.