1 sa 8 ‘salisi’ na bumiktima sa ina ni Nadia, sumuko sa pulisya
MANILA, Philippines — Sumuko sa ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa mga suspek na sumalisi at bumiktima sa ng ina ng aktres na si Nadia Montenegro sa loob ng isang membership shopping store sa Novaliches, Quezon City.
Nabatid na ang suspek na si Romeo Miranda ay personal na nagtungo sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) sa Camp Karingal bago magtanghali kahapon upang sumuko.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumilitaw na si Miranda ang nagsilbing driver ng grupo na umano’y tumangay sa mga gamit ng biktimang si Linda, ina ni Montenegro.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang pito pang suspek sa naturang pagnanakaw.
Sa reklamo ng biktima sa QCPD, nabatid na naganap ang insidente sa loob ng S&R membership shopping store sa Commonwealth, Quezon City noong Miyerkules.
Kasalukuyan umanong namimili ang ginang nang isa-isang maglapitan ang mga suspek at ipitin siya ng maraming carts ng mga suspek, na nagkakagulo sa pagkuha ng items sa kanyang paligid habang tinatangka naman niyang tumabi sa isang gilid.
Nang magbabayad na ay saka lamang napagtanto ng ginang na napagnakawan na pala siya ng mga ito.
Kabilang sa natangay ng mga ito ay ang kanyang wallet na naglalaman ng ?10,000, mga ATM cards at mga IDs. Kaagad rin daw nakapag-withdraw ang mga ito ng ?20,000 at ?67,000 cash mula sa kanyang bank accounts.
Ayon kay QCPD Station 16 commander Lt. Col Richard Mepania, modus ng mga suspek na lituhin ang taong kanilang bibiktimahin at saka kinukuha ang mahahalagang gamit nito.
Nakilala na rin ng pulisya ang apat sa mga suspek habang ang mga ATM cards at mga IDs naman ni Linda ay natagpuan nang nakabalot sa isang face mask sa Marikina City.
Wala pa namang opisyal na pahayag ang S&R hinggil sa insidente.
- Latest