P5 taas-pasahe sa jeep inihirit ng transport group
MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon ang transport group na Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa pamahalaan na aprubahan na ang hiling nila na ?5 dagdag-pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay FEJODAP president Ricardo “Boy” Rebaño, umaasa silang aaksiyunan ng pamahalaan ang kanilang kahilingan upang maibsan ang kanilang matagal nang pagdurusa.
“Kami naman po’y natutuwa na nakakapag-serbisyo kami ng kapwa nating Pilipino. Pero sana naman po, ‘yung ating pamahalaan, ‘wag kaming panoorin nang panoorin sa aming paghihirap na dinaranas namin. Umaksyon naman kaagad sila,” aniya pa.
Sinabi ni Rebaño na nakatakdang magdaos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng pagdinig hinggil sa apela nilang ?5 dagdag sa pasahe sa Marso 8.
Sa petisyong ito, ang adjustment kada kilometro na lampas sa apat na kilometro ay nasa ?1.50.
Pahayag pa ni Rebaño, magiging malaking tulong sa kanila kung maaaprubahan ang naturang petisyon.
Kumpiyansa naman si Rebaño na makatutulong din sa kanila kung mailalagay na nga ang bansa sa Alert Level 1 ngayong Marso, mula sa kasalukuyang Alert Level 2.
Nakatakdang magpatupad muli ang mga oil company ng panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes. Ito na ang ikasiyam na sunod na linggong may oil price hike.
- Latest