2 extortionist ng Customs broker, arestado

P5-M hinihingi para ‘di isama sa target list

MANILA, Philippines — Arestado sa entrapment operation ang dalawa katao matapos kikilan ng P5 milyon ang isang custom broker upang hindi umano isama sa mga target na papatayin sa Caloocan City.

Kinilala ni NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo ang mga nadakip na suspek na sina Justine Brizuela, 31, consultant, ng Brgy. San Antonio Valley 1, Parañaque City at Mark Anthony Teves, 32, ng Molino Park Homes Queens Row, West Molino Bacoor, Cavite.

Ayon kay P/Lt. Col. Jay Dimaandal, hepe ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (NPD-DSOU), humingi sa kanila ng tulong ang biktimang broker na si Mark Joshua Bauit, 25, ng Sampaloc, Manila matapos makatanggap ng pagbabanta mula sa mga suspek na target siya at kanyang pamil­ya na papatayin.

Humihingi umano ang mga suspek ng P5 milyon cash kay Bauit para hindi isama ang kanyang pangalan sa target list at binigyan ng hanggang alas-2:10 ng madaling araw noong February 23, 2022 para ibigay ang pera sa kanila sa kanto ng Rizal Avenue Ext. at 5th Avenue sa Caloocan City.

Lingid sa kaalaman ng mga suspect, nagsumbong na sa mga awtoridad ang biktima kung saan ikinasa ang entrapment operation kontra sa mga suspek.

Nang iabot ni Bauit ang marked money sa mga suspek na sakay sa magkahiwalay na itim na Ford Ranger at isang motorsiklo ay agad silang inaresto ng mga pulis.

Nakumpiska ng mga operatiba ng DSOU sa mga suspek ang tatlong cellphones, marked money na gi­namit sa entrapment operation at mga sasakyan na gamit nila sa kanilang ilegal na aktibidades.

Show comments