MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Korean national na sinasabing lider ng isang ‘phishing syndicate’ na nakabase sa China sa ikinasang operasyon nitong nakaraang linggo sa Makati City.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang naaresto na si Kim Changhan, 25.
Nadakip sa Makati City sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Seoul Central District Court noong Oktubre 2020.
Sa impormasyon ng Interpol-National Central Bureau, lider ng isang ‘telecom fraud syndicate’ si Kim na nakabase sa Sandong-sung, China at gumagamit ng ‘voice phishing’ para makapanloko ng mga internet users.
Umaabot na umano sa 63 milyong won o halos US$53 milyon na ang natangay ng kaniyang grupo sa kanilang mga biktima.
Nadakip rin ng BI-Fugitive and Search Unit ang isa pang South Korean na si Kim Junhee, 38, sa isang operasyon nitong nakaraang Biyernes sa Porac, Pampanga. Nahaharap naman siya sa arrest warrant mula sa Seoul Nambu District nitong Hulyo 2019.
Sangkot din si Kim Junhee sa isang sindikato na nakabase naman sa Tianjin, China at tumangay na ng higit 110 milyong won o US$91 milyon sa kanilang mga biktima.
Isa namang Chinese national na si Zhang Yujie, 51, ang naaresto rin nitong nakaraang Biyernes sa Mandaluyong City. Nahaharap naman ang babaeng si Zhang sa kasong ‘economic crimes’ sa China.
Nakakulong ngayon ang tatlo sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportasyon.