MANILA, Philippines — Isang granada ang sumabog sa isang lugar sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Nabatid na ang pagsabog ng naturang granada ay nagdulot ng takot at tensiyon sa mga residente sa lugar.
Batay sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Remus Medina, lumilitaw na dakong alas-3:15 ng madaling araw nang maganap ang pagsabog ng granada sa Block 30, Lot 19, Salubong St., Brgy. Greater Lagro, Quezon City.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng District Explosive Ordnance Disposal (EOD) at Canine Unit ng QCPD sa pamumuno ni PCpt. Arvin J Dimailig.
Ayon kay Dimailig, isang nakaparadang sasakyan ang napinsala dahil sa pagsabog.
Nakarekober din sila ng nagkalat na mga metal fragments sa kalye, gayundin ng safety lever, fuze assembly at ilang serrated fragments na posible anilang mula sa sumabog na granada.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigahan ang mga awtoridad upang matukoy kung sino ang mga taong sangkot sa insidente.