MANILA, Philippines — Nagbabala si Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño sa lahat ng mga barangay chairman na iwasang sumama sa mga kampanya at motorcades ng mga national candidates dahil maaaring kasuhan ang mga ito.
Sa Balitaan sa Maynila, sinabi ni Diño na dapat na pairalin ng mga kapitan ng barangay ang non-partisan at hayaang ang mga kandidato ang manuyo at mangampanya sa mga botante.
Ayon kay Diño, tungkulin ng mga barangay officials na siguraduhin na sumusunod sa kanilang regulasyon ang mga kandidato at hindi gagawa ng gulo sa kanilang nasasakupan.
Aniya, maaaring kasuhan ang mga chairman sakaling may magreklamo at mapatunayan ang akusasyon. Hindi dapat na impluwensiyahan ng mga barangay officials ang kanilang mga nasasakupan dahil may kalayaan ang bawat isa na mamili ng kanilang iboboto.