Moderno at mga bagong tren, handog ng DOTr, para sa mga Pinoy
MANILA, Philippines — Mga moderno at bagong tren ang handog ng Department of Transportation (DOTr) para sa mga Pinoy.
Ipinagmalaki ni DOTr Secretary Arthur Tugade na matapos ang 50-taon ay mayroon na ngayong bago at modernong tren ang Philippine National Railways (PNR).
“Hindi refurbished, hindi donasyon, at hindi galing sa loan o utang - Sa wakas! Matapos ang 50 years, nagkaroon na rin ng bago at modernong tren ang Philippine National Railways (PNR)!” ayon kay Tugade, sa kanyang Facebook account.
Sinabi ni Tugade na mula sa dating siyam na tren lamang na bukod sa lumang-luma na at napag-iwanan na ng panahon, ngayon ay nasa 18 na ang mga tren ng PNR na operational, na siyang bahagi ng Re-Fleeting Management Strategy nito.
Samantala, nabatid na noong Setyembre 2021 ay dumating sa bansa mula sa South Korea ang mga bagong train sets para sa Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).
Ang 18 aniya sa 108 rail cars na completely manufactured na, ang on-site na ngayon.
Ipinagmalaki rin ng kalihim na ang MRT-7, na tumagal ng 20 taon mula nang maisumite ang unsolicited proposal bago magsimula ang aktwal na konstruksyon ng proyekto sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ay nalalapit na ring matapos.
Dahil dito, sinabi ni Tugade na asahan na ang mas mabilis na biyahe dahil nasa 35 minuto na lang aabutin sa pagitan ng Quezon City at San Jose Del Monte, Bulacan.
Nabatid na nasa 300,000 pasahero naman ang maisasakay nito sa unang taon at inaasahang aakyat pa sa 850,000, pagdating ng ika-12 taon nito.
- Latest