MANILA, Philippines — Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na istrikto at patas ang pagpapatupad nila ng polisiya para sa lahat ng mga kandidato na planong magsagawa ng motorcade sa mga pangunahing lansangan sa National Capital Region.
“Lahat yan applicable sa lahat yang policy na iyan. Rest assured na wala tayong pinapanigan dito,” ani MMDA officer-in-charge Romando Artes sa TeleRadyo ng ABS-CBN.
Paglilinaw niya, kahit pa ang kandidato kung saan campaign manager si dating MMDA chairman Benhur Abalos ay hindi rin factor upang mabago ang pagpapatupad nila ng polisiya.
Si Abalos ay nagbitiw bilang MMDA chair noong nakaraang Lunes upang bigyang daan ang pagiging campaign manager ni presidential aspirant Bongbong Marcos.
Paliwanag pa ni Artes, hindi rin naman traffic enforcers ng MMDA ang magpapatupad ng pagtitiket sa mga violators ng caravan o motorcade kungdi ang sistema ng MMDA Metrobase na ‘no contact apprehension’ at katunayan ay ilang kandidato na ang natiketan, bagama’t di binanggit kung sinu-sino at ilan na.
Sa ilalim ng MMDA guidelines, ang campaign caravans at motorcades ay maaari lamang isagawa tuwing weekends mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga.
Unang hakbang ng kampo ng isang kandidato ay makipag-ugnayan sa MMDA at kailangang single lane lang ang kanilang ookupahin.