MANILA, Philippines — Isang 16-anyos na binatilyo ang nasawi makaraang saksakin ng isang grupo ng mga kabataang nangursunada sa kanya sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Hindi na naisalba pa ng mga manggagamot sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Raymond Romasanta, estudyante at residente ng Brgy. 75, Tondo sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.
Sa ulat, dakong alas-7:35 ng gabi kamakalawa nang maganap ang insidente sa panulukan ng Franco at Favia Sts., sa Tondo.
Naglalakad umano ang biktima kasama ang isang kaibigan nang harangin at komprontahin ng grupo rin ng kapwa nilang kabataan. Ilang sandali pa sinaksak na ang biktima.
Nabatid na nadakip na ang tatlo sa mga menor-de-edad na sangkot sa pangyayari. Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.