‘Zafari at Toy Carnival sa vaccination site, inihanda ng Las Piñas
MANILA, Philippines — Sa layuning maging ‘child-friendly’ ang ‘pediatric vaccination’, isang ‘Safari at Toy Carnival theme’ na itinatag ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang sumalubong sa mga batang nagpabakuna kahapon sa dalawang ‘vaccination site’ sa siyudad.
Sinabi ni Mayor Imelda Aguilar na inilatag sa The Tent at sa loob ng SM Center ang ‘Safari at Toy themed vaccination sites upang pagaanin ang kalooban ng mga bata at mawala ang stress habang naghihintay sila na mabakunahan.
Nagkaroon din ng film showing para sa mga bata upang malaman nila ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Bukod sa film showing, sinabi ni Aguilar na naghanda rin sila ng cartoons show para hindi mainip ang mga bata. Namahagi rin ng ‘coloring materials’, mga bag ng kendi, lobo at cotton candies ang lokal na pamahalaan sa mga bata.
Target ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ang 1,500 hanggang 2,000 na mga bata bawat araw.
Samantala, personal namang tinutukan ni Vice-Mayor April Aguilar ang mga aktibidad sa mga vaccination sites para sa mga bata. Sinabi niya na simula nang buksan ang online registration ng “Bakunahan sa Kabataan” program noong Enero 29, nakapagtala ang City Health Office (CHO) ng kabuuang 11,246 registrants nitong Pebrero 7.
- Latest