MANILA, Philippines — Tinupok ng apoy ang Russian Embassy, sa Dasmariñas Village, sa Makati City, nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni Makati Fire Station duty officer Senior Insp. Eduardo Labrador, alas 8:25 ng gabi nang magsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng gusali ng embahada na matatagpuan sa no. 1245 Acacia corner Mahogany Streets, Dasmariñas Village, na umakyat agad sa ikalawang alarma pagsapit ng alas 8:42 ng gabi.
Naideklarang under control ng alas 9:38 ng gabi at fire-out alas 2:10 ng madaling araw, ayon kay Makati Central Fire Station director, Supt. Anthony Arroyo.
Mabilis namang nailikas mula sa gusali ang mga Russian diplomats, consulates at kanilang pamilya na namamalagi sa gusali kaya’t walang nasawi, nasaktan at nasugatan.
Tinatayang nasa P101,109,576 halaga ng kagamitan ang naabo.
Hindi pa tukoy ang pinagmulan ng apoy na patuloy pang iniimbestigahan.