MANILA, Philippines — Opisyal na ipinagbawal kahapon ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang pagpasok ng mga ‘di bakunado sa mga mall, restaurant at pampublikong transportasyon kasunod ng pag-apruba ng isang ordinansa.
“Ang mga taong hindi nabakunahan para sa COVID-19 ay dapat manatili sa kanilang mga tirahan sa lahat ng oras, maliban kung talagang kinakailangan,” sabi ni Mayor Edwin Olivarez matapos lagdaan ang ordinansa.
Sa ilalim ng Ordinansa Blg. 1, serye ng 2022, ay kinokontrol ang paggalaw ng mga hindi bakunadong indibiduwal sa teritoryal na hurisdiksyon ng Parañaque habang nasa antas ng alerto at nagbibigay ng mga parusang lalabag dito.
Nasa ilalim na ngayon ng mas mahigpit na Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang Enero 31.
Nagtala ang City Health Office ng pagtaas sa mga aktibong kaso kasunod ng pagdiriwang ng holiday at bisperas ng Bagong Taon. Mula sa isang aktibong kaso noong Disyembre 24, umakyat na ito sa 548 na aktibong kaso noong Enero 17.
Sinabi ni Olivarez, kasalukuyang chairman ng Metro Manila Council, na ang mga hindi nabakunahan ay ipinagbabawal sa indoor at outdoor/al fresco dining sa mga restaurant o iba pang food establishments na matatagpuan saanman sa lungsod.
May nakapataw na P1,000 multa sa unang paglabag, P3,000 sa pangalawa at P5,000 sa ikatlo at kasunod na paglabag.
Sinabi ng alkalde na sinumang tao na magpapalsipika sa COVID-19 vaccine card ay kakasuhan sa ilalim ng umiiral na mga ordinansa ng lungsod nang walang pagkiling sa pag-uusig sa ilalim ng iba pang naaangkop na batas.