MANILA, Philippines — Timbog ang isang consignee nang nasabat na shabu at liquid marijuana na itinago sa kargamento ng mga panulat sa ikinasang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City nitong nakaraang Miyerkules.
Hindi na pinangalanan ng mga awtoridad ang naarestong suspek na siyang tumanggap ng kargamento na may lamang shabu at liquid marijuana na nagkakahalaga ng P90,000.00.
Sa ulat ng BOC-Port of Clark, unang natuklasan ang ilegal na droga nang isailalim ang isang shipment na galing sa Nevada, USA at may markang mga “pens” sa K9 sweeping. Nang buksan ang kargamento, natuklasan ang tatlong self-sealing plastic sachet na may lamang hinihinalang shabu at isang self-sealing plastic sachet na may lamang ‘liquid marijuana’ na nakatago sa walong pirasong marker pens, isang pakete ng dart flights at isang pakete ng magazine.
Isinailalim ang mga nakumpiska sa ‘chemical laboratory analysis’ ng PDEA na nagkumpirma sa mga ilegal na droga. Dito nalagbas si District Collector Alexandra Lumontad ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kargamento.
Nagkasa naman ng ‘controlled delivery operation’ ang BOC at PDEA sa nakalagay na address ng consignee sa Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek makaraang tanggapin ang kargamento.
Nakaditine ngayon ang suspek sa PDEA Detention Center at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.