MANILA, Philippines — Mahigit sa P61 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Group, National Capital Region Police, Criminal Investigation and Detection Group at Philippine Drug Enforcement Administration sa Taguig City, nitong Enero 10.
Kinilala ang mga suspek na sina Christian Ely C. Desiderio , 19; Jerico Rayos Torres, at John Andree G.Santos 22, pawang taga-Taguig City.
Dakong alas-9:30 ng gabi ng Lunes nang masakote ang mga suspek sa Block 20, Unit D, Barangay Sta Ana, Prudence, Taguig City
Nasamsam sa mga nadakip ang nasa 9 na kilong shabu na nagkakahalaga ng nasa P61,200,000.
Nabawi rin ang 10 bundle ng boodle money at 2 genuine na P1,000 bills na ginamit sa buy-bust.
Kumagat ang mga suspek sa pagbili ng malaking halaga ng shabu ng poseur-buyer kaya naging matagumpay ang ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Special Operations Unit ng NCRPO, PNP DEG (Lead Unit), at iba pang pwersa ng NCRPO, CIDG, Station Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police Station at PDEA-NCR.