Warden ng Caloocan City jail, sinibak: Patay sa riot 6 na
MANILA, Philippines — Umakyat na sa anim na preso ang namatay, habang nasa 33 naman sugatan sa sumiklab na riot sa Caloocan City Jail kamakalawa ng hapon sa pagitan ng Commando at Sputnik Gang.
Kasabay nito sinibak naman sa puwesto si Caloocan City Jail warden Supt. Neil Subibi dahil sa command responsibility. Papalit sa puwesto ni Subibi si Jail Supt. Lloyd Gonzaga.
Sa progress report na isinumite ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina, Jr. kay Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang dalawa pang nasawi na sina Joel Andrino at Joe Santaguda, kapwa miyembro ng Commando gang. Ang apat na iba pa ay sina Arturo Bihasa, 60 at Hand Omas, 35, kapwa ng Commando Gang; Sherwin Perez, 52 at John Patrick Chico, 21, ng Sputnik Gang.
Lumilitaw din na dalawang jail officers na sina Inspector Freedom Mondeia at Jail Officer 1 Niño Sarmiento ang nasugatan din sa naturang madugong riot.
Sinabi ni Mina, ang insidente ay sumiklab nang magkaroon ng mainitang pagtatalo at nagkapikunan ang dalawang magkalabang grupo dahil sa sugal na cara y cruz hanggang sa tumambad ang patay na katawan ng mga preso.
Patuloy naman inilagay ng BJMP sa heightened alert ang jail compound at sinuspinde rin ang lahat ng aktibidad sa loob ng pasilidad habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.
Ayon naman kay BJMP spokesperson Jail Supt. Xavier Solda, nagsagawa na ng diyalogo ang mga tauhan ng Caloocan City Jail sa mga bilanggo upang matiyak na hindi na maulit ang insidente lalo na sa ngayong mga kinakaharap na banta ng virus ang bansa.
- Latest