MANILA, Philippines — Huli ang dalawang lalaki dahil sa paglabag sa ipinatutupad na ‘election gun ban’ nang mabuko na may bitbit na baril sa magkahiwalay na insidente sa Pasay at Muntinlupa City kamakalawa.
Nadakip dakong alas-11:30 ng gabi sa may Rodriguez Street sa Brgy. 159 Malibay, Pasay ang 23-anyos na suspek na si Jonathan Lacaba, isang mekaniko. Ito ay makaraang isang residente ang tumawag sa Malibay Sub-Station sa presensya ng isang lalaki na nakitaan ng baril.
Nang kapkapan, isang baril na kinalaunan ay nadiskubreng replica lamang ang nakumpiska sa suspek. Sa kabila nito, kakasuhan pa rin siya ng paglabag sa gun ban at kasong Threat.
Nagpapatrulya sa may Phase 3 Southville 2 sa Poblacion, Muntinlupa ang mga tauhan ng Poblacion Sub-Station nang matiyempuhan ang isang lalaki na may bitbit na baril. Kinilala ang suspek na si Ricky Leuterio, 22.
Nasabat sa suspek ang isang kalibre .38 baril na may dalawang bala na nakasukbit sa kaniyang tagiliran. Sinampahan na rin siya ng kaukulang kaso at nakaditine sa Muntinlupa Police Detention Center.