2 parak na nagbabantay sa Quiapo Church, sugatan sa lasing na rider

Ginagamot sa Chinese General Hospital ang mga biktimang sina P/Corporals Benjamin de Guzman, 47; at Ronel Yambao, 32, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 3.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Sugatan ang dalawang miyembro ng Manila Police District (MPD) na nakatalaga sa seguridad ng Quiapo Church para sa Pista ng Itim na Nazareno nang kapwa mabangga ng isang umano’y la­sing na motorcycle rider kahapon ng madaling araw.

Ginagamot sa Chinese General Hospital ang mga biktimang sina P/Corporals Benjamin de Guzman, 47; at Ronel Yambao, 32, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 3.

Nagpositibo sa alcohol breath test ang inares­tong suspek na kinilalang si Ronald Asquivel, 35, internet installer/seller at residente ng San Jose, Navotas City.

Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa  southbound lane ng Quezon Boulevard, malapit sa Simbahan ng Quiapo.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Neil Mark Mabasa, ang mga biktima ay kapwa nagbabantay sa paligid ng simbahan nang bigla na lang salpukin ng kulay gray na Yamaha Sporty Mio ng suspect.

Sinaklolohan ng mga kasamahang pulis ang dalawa at isinugod sa nasabing ospital.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang isasampang reklamo na reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at  paglabag sa Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Show comments