MANILA, Philippines — Suspendido sa loob ng isang linggo ang mga klase at aktibidad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa kanilang mga estudyante at mga faculty members.
Ang suspensiyon ng ‘synchronous at asynchronous activities’ sa lahat ng year levels ng PUP ay inianunsiyo ng pamunuan ng unibersidad nitong Biyernes ng gabi sa kanilang Facebook account.
Epektibo ang suspensiyon mula Enero 10 hanggang 16, 2022 sa lahat ng sangay at satellite campuses ng unibersidad, at sakop nito ang graduate at law schools.
Sinabi pa ng PUP na ia-assess nila ang sitwasyon sa Enero 14, 2022 at saka magdedesisyon kung palalawigin pa ba ang suspensiyon o hindi na.
“The administration shall assess the situation by January 14, 2022 to decide whether or not to extend this period of suspension,” bahagi ng memorandum order na pirmado ni Vice President Emanuel de Guzman.
Samantala, inianunsiyo na rin ng PUP na simula sa Enero 10, 2022 ay hindi na rin papayagang makapasok sa PUP premises ang mga hindi bakunadong bisita nito.
Ang mga bakunadong indibidwal naman ay pinapayuhang magprisinta ng vaccination certificates o cards sa kanilang pagpasok.