MANILA, Philippines — Napanatili ni Caloocan City Mayoralty Candidate Dale “Along” Malapitan ang kanyang lamang para sa pagka-alkalde ng Caloocan City laban sa katunggali nito na si Congressman Egay Erice.
Ayon kay ‘The Issues and Advocacy Center’ Director Ed Malay, ang napipintong landslide na panalo ni Malapitan ay dahil na rin karamihan sa mga botante sa susunod na eleksyon ay mga kabataan at naging bentahe para kay Malapitan ang pagiging bata nito upang mabilis na magkaroon ng koneksyon sa kanila.
Pabor din para kay Malapitan na balwarte nito ang unang distrito at ang bagong ikatlong distrito ng Caloocan kung saan nakatira ang karamihan sa mga botante ng lungsod.
Sa ulat ng The Issues and Advocacy Center, mailap pa rin para kay Erice ang pagka-alkalde ng Caloocan sa kabila ng mga isyu na pinupukol nito kay Malapitan tulad na lamang kakulangan umano nito ng karanasan. Binalikan ito ni Malapitan nang ilahad nito ang nasa 129 panukalang batas na isinulat nito sa kanyang ikalawang termino bilang kongresista kumpara sa ipinagmamalaking 59 house bills na naipanukala ni Erice.
Maging sa survey ng RP Mission and Development Foundation Inc., malaki ang naging lamang ni Malapitan matapos itong makapagtala ng 71% voters preference habang 28% lamang ang pumili sa mambabatas mula sa ikalawang distrito ng Caloocan na kilalang kaalyado ng Liberal Party at naglipat-bakod sa Aksyon Demokratiko.