MANILA, Philippines — Isang street sweeper ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit ?1 milyon at illegal firearm sa isang checkpoint sa Bagumbayan, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, BGen. Antonio Yarra ang suspek na si Anthony Vivero, 38, residente ng Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Batay sa ulat ni QCPD-Eastwood Police Station (PS 12) commander, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa isang checkpoint sa Calle Industria, kanto ng Manggahan, sa Bagumbayan.
Nagsasagawa umano ng checkpoint ang mga awtoridad sa lugar nang mapadaan doon ang suspek na sakay ng motorsiklo, kaya’t pinara ito para sa beripikasyon.
Nabigo itong maipakita ang kaukulang dokumento para sa kanyang motorsiklo, natuklasang hindi ito rehistrado at ang kanyang lisensiya ay peke.
Nadiskubre rin nila sa dala nitong sling bag ang may 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng higit sa P1 milyon, isang glass tube pipe na may marijuana, isang .9mm Norinco pistol na may limang bala, at mga drug paraphernalia kaya’t kaagad na itong inaresto.
Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o The Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. Habang inisyuhan din siya ng Ordinance Violation Receipt (OVR) dahil sa pagmamaneho ng walang lisensiya, gamit ang hindi rehistradong motorsiklo.