MANILA, Philippines — Pansamantala munang isasara ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City ang kanilang Outpatient Services (OPS) ‘until further notice’, kasunod na rin nang panibagong surge ng COVID-19 cases sa Metro Manila.
Sa inilabas na advisory ng NKTI, sinabi nito na ang lahat ng konsultasyon nila sa nasabing panahon ay ililipat muna sa Telehealth Services.
“Following another surge of COVID-19 cases in Metro Manila, we will be closing our OUTPATIENT SERVICES (OPS) effective January 7, 2022, until further notice. All consultation during this period will be shifted to Telehealth Services,” advisory pa nito.
Gayunman, ang private outpatient clinics ay ipinauubaya ng pagamutan sa diskresyon ng kanilang mga physicians.
Pinayuhan din nito ang mga pribadong pasyente na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga doktor hinggil sa kanilang naka-iskedyul na appointment.
Samantala, karamihan sa mga pasyente ng bagong kaso ng COVID-19 sa Lung Center of the Philippines ay hindi bakunado.
Ayon kay Dr. Norberto Francisco ng Lung Center of the Philippines, yung mga bagong kaso ng Covid-19 sa ospital na may 85 percent ay hindi fully vaccinated.
Anya patuloy ang pagtaas ng kaso kung saan kahapon ay umabot na sa 30 ang kanilang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa kanilang ospital. - Angie dela Cruz