Suspek, ‘lover’ ng biktima
MANILA, Philippines — Paglustay ng pera dahil sa pagkalulong sa online sabong ang anggulong tinututukan ng Manila Police District (MPD) sa karumal-dumal na pagpatay sa isang estudyante na hinati-hati ang katawan ng isang suspek na sinasabing bading na lover nito sa Tondo, Maynila.
Nabatid na Disyembre 30 nang matagpuan ang katawan na hinati-hati sa limang piraso ng biktimang si Rusty Dela Cruz, 19, sa may Brgy. Niog 3, Bacoor City, Cavite. Agad na nadakip ang suspek na si Dante Reyes, 42, isang negosyante.
“May mga intelligence info na nagamit ng biktima ‘yung perang naipon nitong suspek at ito ay nalulong sa online sabong,” ayon kay MPD Director P/Brig. Gen Leo Francisco.
Natukoy si Reyes na siyang suspek nang makita sa CCTV footages na pumarada ang biktima sa tapat ng kaniyang bahay noong Disyembre 29 at sumunod ay nakita na may tatlong puting sako siyang isinasakay sa isang taxi may Remigio St., Sta. Cruz, Maynila.
Hapon na ng Disyembre 30, nang tumawag ang Bacoor City Police sa MPD at ipinagbigay-alam ang isang bangkay ng lalaki na hinati-hati sa lima at isinilid sa sako saka iniwan sa bakanteng lote sa Brgy. Niog 3.
Dahil dito nagkasa na ng manhunt operation ang mga tauhan ng MPD at natimbog si Reyes sa may Mel Lopez Blvd. at panulukan ng Zaragosa St., Pier 4, Brgy. 20, Tondo.
Biniberepika ng mga pulis na may relasyon ang biktima at ang suspek na umano ay isang bakla. Gayunman, nahaharap siya ngayon sa kasong murder sa Prosecutor’s Office ng Maynila.