MANILA, Philippines — Nagwakas sa trahedya ang isang masayang street party sa pagsalubong ng taong 2022 nang masawi ang tatlo at masugatan ang apat pa matapos mamaril ang isang rider na dumaan at nakaalitan, sa Barangay Rizal, Makati City, madaling araw ng Enero 1.
Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Raymond Libaton, 52; at Petreño del Rosario, 50 ; habang sa ospital naman idineklarang dead-on-arrival si Francis Lloyd Libaton, 21, na sinasabing tinamaan lang ng ligaw na bala.
Sumuko naman ang suspek sa pamamaril na kinilalang si Roderick Perez, Safety and Medical Service officer ng Red and Blue Medical Services Company sa Block 17 L21 Magnolia St., Brgy., Rizal, Makati City, na ipaghaharap ng kasong multiple murder at multiple frustrated murder sa Makati City Prosecutor’s Office.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang suspek na nagmamaneho ng scooter angkas ang kaniyang 12-anyos na anak na babae ay dumaan sa kalye kung saan nagdaraos ng street party, na nanita umano dahil ginamit ang masikip na daan sa okasyon.
Ikinagalit ng mga kasali sa nasabing party ang pagdaan umano ng suspek na umalma umano at nauwi sa komosyon.
Napayapa naman ang sitwasyon nang gumitna ang ilang kapitbahay at umuwi na ang suspek.
Hindi nagtagal ay bumalik umano ang suspek na armado na ng kalibre .45 baril at walang habas na pinaputukan ang mga nagkakasayahan sa party, na naging sanhi ng kamatayan ng tatlo at pagkasugat ng iba pa.
Kinilala naman ang mga sugatang naisugod din sa Ospital ng Makati na sina Maria Elago y Aldaya, 57; Ian Jayson Biandio, 26;Janet Libaton, 52, asawa ng nasawing si Raymond; Lester Magcanas, 28, na pawang residente ng lugar, maliban kay Biandio na taga-Pasay City.
Ani National Capital Region Police Office (NCRPO chief, Police Major general Vicente Danao Jr., “We condole and extend our deepest sympathy to the bereaved families of this unexpected incident as well as we wish for the speedy recovery of those who were injured. We ensure to extend all necessary assistance in the investigation of this case to ease the grief of the families of the deceased and other victims.”