MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng sarili nilang headquarters o himpilan ang Boy Scout of the Philippines makaraang umpisahan na ang pagtatayo nito sa Quiapo, Maynila.
Sinabi ni Manila City Mayor Isko Moreno na ito ang sasagot sa matagal nang problema ng BSP sa palipat-lipat nilang tanggapan dahil sa magkakaroon na sila ng permanenteng gusali.
Pinangunahan ni Moreno nitong Miyerkules ang “groundbreaking ceremony” ng apat na palapag na gusali sa loob ng Apolinario Mabini Elementary School sa Quiapo.
“I think it is high time for the City of Manila to create what they can call a home - Manila Boy Scout Council. Bahay na nila, kanila na ito, masasabi at maaangkin na para sa kanila,” ayon kay Moreno.
Pinuri ni Moreno ang malaking kontribusyon ng BSP sa paghubog ng kabataan at mga magiging lider ng bansa. Sinabi niya na ang mga kakayahan na matututunan sa pamamagitan ng scouting ay nagagamit kahit ilang taon na ang nakalipas.